UTAK: Minsan naman mag-isip ka kung deserving pa ba yang taong iniiyakan mo.. you're so pathetic.
PUSO: Sige na.. ikaw na naman ang laging TAMA.
UTAK: Mapagod ka naman kasi.. siya move on na move na.. samantalang ikaw stranded ka na..
PUSO: Hayy.. di ko na alam.. T.T
..Dalawa lang naman ang drive ko sa pagsusulat, it's either inlove ako o broken hearted.. sa ngayon di ko alam kung alin sa dalawa... basta ang alam ko, muli akong hahawak ng panulat sa pagkakataong ito.
Thursday, January 20, 2011
Isang PAGDALAW..
Minsan akong dumalaw sa dati ko kasama sa opisina na matagal ng naka admit isa sa mga Ospital sa may Sta.Cruz Binondo. Pangalawang beses ko na ng pagdalaw iyon. Noong unang beses ko siyang dalawin ay kasama ko pa ang aking mga kaopisina, pero sa pagkakataong ito ay ako lang mag-isa ang dadalaw sa kanya. Ayaw niyang ipaalam ko sa iba na nasa Ospital ulit siya. Bago niya ako payagang makadalaw ay ipinakiusap niya sa akin na mangako akong walang ibang makakaalam na admit ulit siya. Nangako ako. Mabigat para sa akin kasi alam kong mas makakabuti kong malalaman ng mga ka-opisina ko ang kalagayan niya sa ngayon, bukod sa madadalaw siya ay alam kong mas maraming tao ang magdadasal para sa kanya. Pero mas pinili niya na ako lang ang pagsabihan.
Excited akong dalawin siya noon, nung’ huli kasi kaming nagkita kahit paano ay napatawa ko siya. Naalalayan ko siya sa kanyang pagtayo. Minasahe ko yung nangangalay niyang paa, kinuwentuhan ko siya tungkol sa mga nangyayari sa amin sa opisina. Nagjoke ako kahit alam kong korni naman, pero masaya ako kasi napapangiti ko siya. Naging malapit sa akin ang taong ito. Siya kasi ang isa sa napagsasabihan ko nung mga pagkakataong ang sakit-sakit ng pinagdadaanan ko. Siya ang iniiyakan ko, siya ang adviser ko. Kahit paulit-ulit na lang ang kwento ko ay lagi niya paring inaacknowledged yung nararamdaman ko, lagi niyang sinasabi “ ok lang yan girl, masakit kasi sobrang nagmahal ka pero magiging ok ka din..” yun ang paulit-ulit niyang sinasabi sa akin dati, siguro kasi paulit-ulit na rin naman yung mga kwento ko, pero hindi siya nagsasawang makinig. Marami akong natutunan sa kanya, marami-rami ring kaming mga secrets na napag-usapan. Maraming mga nakakatuwang bagay na napagtawanan. Maraming mga point of views sa buhay na naibahagi, maraming mga pangarap na gustong maabot. Pursigo siyang tao. Matapang sa bawat hamon ng buhay. Walang pakiaalam sa pwedeng sabihin ng ibang tao. Maganda rin siya. Masayahin. Makulit. Naalala ko pa nung bago siya maratay sa Ospital. Sumusumpong na yung sakit nya nun’at nahihirapan ng maglakad pero pumapasok pa din siya. Ako ang naging tungkod niya. Ako ang naging taga alalay. Matapang siya dahil sa kabila ng kalagayan niya ay napagtatawan pa din namin ang mga bagay-bagay. Hanggang sa magulat na lang ako isang gabi ng magtxtsiya para sabihing magreresign na siya kinabukasan. Nalungkot ako kasi pakiramdam ko mawawalan ako ng karamay sa office, mawawalan ako ng kabuddy, mawawalan ako ng tagapagtanggol. Pero inisip ko na lang na yun kasi ang mas makakabuti sa kanya. Kailangan niyang magpagamot. Ang sakit na pinagdaraanan niya ay ang kaparehong sakit na ikinamatay ng kanyang Ina, at sa pamilya nila ay siya ang nagmana ng sakit na iyon. Minsan napag-usapan namin na ayaw na niyang magkapamilya, kasi pakiramdam niya iiwan lang din naman daw niya. Pero alam kong matapang siya. Sa kabila ng katotohang pwede siyang mamatay ay hindi ko nakita na naging matamlay siya. Hindi ko naramdamang nadepressed siya. Patuloy pa din siyang tumatawa. Nung unang beses namin siyang dalawin sa Ospital ay hindi ko alam kong paano ko naitago yung emosyon ko. Noong unang beses ko siyang makita sa Ospital at nakita kong bumagsak ang katawan niya. Hirap na siya sa pagsasalita. Hindi na siya nakakalakad at kailangan niyang alalayan para makatayo. Sobrang nalungkot ako pero alam kong hindi ko pwedeng ipakita sa kanya yun dahil kahit kami mismo ay hindi namin nararamdaman yung paghihirap niya. Matapang talagasiya, fighter ika nga. Ayaw niyang sinusubuan siya sa pagkain, ayaw niyang bubuhatin siya kung lilipat siya mula sa kanya kama papunta sa lamesang kakainan niya, ayaw niyang bubuhatin siya, ang gusto niya lang ay alalayan mo lang siya sa pagtayo. Nang magpaalam kami sa kanya bago umuwi alam kong napasaya namin siya.
Halos isang buwan din lumipas mula sa naging unang pagdalaw ko sa kanya. At sa ikalawang pagkakataon ay muli ko siyang dadalawin. Mas iba ang naging pakiramdam ko sa pagdalaw kong ito. Ayaw kong isipin yung mga clinical manifestations na sinasabi nung libro tungkol sa sakit niya. Iniisip ko na lang na sana hindi ito kasing lala kumpara sa kalagayan niya noong una kaming dumalaw sa kanya. Nasa tapat na ako ng pinto ng kuwarto niya at marahang kumatok, hindi ko alam kung bakit pero kinabahan ako. Maya-maya lang ay pinagbuksan din ako ng pinto. Maliit lang ang naging bago niyang kwarto kaya ilang hakbang lang ay nakita ko din agad siya. Parang dinudurog ang puso ko ng makita ko siya sa pagkakataong iyon. Ang dami na niyang contraptions. Hindi na din siya nakakapagsalita dahil sa tracheostomy niya. Napatingin siya akin pero groggy yung itsura niya. Hindi ko alam ang sasabibin ko sa pagkakataong iyon. Nakatingin lang din ako sa kanya. Pero gustong-gusto ko ng maiyak ng mga sandaling iyon. Unang pagkakataon ko iyong dumalaw sa isang malapit na tao na nasa ganun ang kalagayan. Iniisip ko kung anung klaseng paghihirap ang pinagdaraanan niya. Alam kong hindi yun kayang ipaliwanag ng utak ko. Nakita ko siyang pumikit, sabi ng mga kamag-anak niya epekto daw iyon ng kakabigay na gamot sa kanya. Pero sa kabila nun ay maya’t maya din ang gising niya. Hindi na siya nakakapagsalita at ang tanging paraan niya ng pakikipag usap ay ang maliit ng board na may mga nakasulat na letra. Sasabihin lang ng kapatid niya kung anong klaseng letra (vowel o consonant) ang gusto niyang iparating pagkatapos ay huhulaan na lang nila iyon. Tatango siya kung nakuha na yung gusto niyang sabihin. Maya-maya pa’y nakita ko siyang nakatitig sa akin. Pinilit kong ngumiti para ipakita sa kanya na hindi ako naawa. Na alam kong malakas siya. Na alam kong kakayanin niya ang anumang pinagdaraanan niya sa ngayon. Tumitig siya sa kapatid niya na nangangahulugang may gusto siyang ipasabi. Agad namang kinuha ng kapatid niya ang board upang tanungin kung anu ang gusto niyang sabihin. “Consonant??Letter L?Letter M? Letter K?kaw? KAYO? Letter T?? B?? M??Muna? Letter B?? BAHALA??, “kami muna bahala sa bisita mo??” Sabi ng kapatid niya. Agad naman siyang tumango. Naantig ang puso ko ng mga oras na iyon. Ang dami kong gustong sabihin sa kanya. Ang dami kong gustong ikwento, ang daming alala na gusto kong balikan namin. Pero ni hindi ako makapagsalita. Nakatingin lang ako sa kanya. Nakatulala. Kahit papaano ay kinukwentuhan ako ng mga kamag-anak niyang naroon pero halos hindi ko rin sila makausap. Wala akong halos masabi. Mahigit isang oras din ako na naroon sa Ospital.Nakatitig lang ako sa kanya. Iniisip ko kung hanggang kailan niya kaya kakayanin ang pinagdadaanan niyang iyon. Nakikita ko ang pamilya niya, kung paano nila niaalayan ang kaibigan ko sa tuwing dumadaing ito. Ang tanging alam ko lang ay bukod sa pisikal na hirap ay mas naghihirap ang kanilang kalooban sa nakikita nilang kalagayan ng isa sa taong pinakakamamahal nila. Pero sa kabila nun ay alam kong matapang din sila, dahil nakita ko na hindi sila nawalan ng pag-asa. Alam kong pinipilit nilang maging matatag. Pinapakita nilang masaya parin sila sa kabila ng lahat. Maya-maya pa’y nagpaalam na rin ako. Muli ko siyang nilapitan sa kanyang kama . Agad naman niyang ipinakuha ang board sa kanyang kapatid..” Vowel??Consonant?Letter B?Letter G?H?Hwag??Vowel?? Consonant? Mo??Hwag mo Ipagsabi?? Tumango siya. Nakuha ko naman agad ang nais niyang iparating sa akin. Na hindi ko pwedeng ipaalam sa iba ang kanyang kalagayan sa ngayon. Bago ako umalis ay nangako ako sa kanya na kahit kanino ay hindi ko ipagsasabi ang kanyang kondisyon. Pinagkatiwalaan niya ako at alam kong isa itong mabigat na bagay.Bago ako tuluyang magpaalam ay madiin kong hinawakan ang kanyang kamay..“Pagaling ka Kat, ipagdadasal kita.. Sobrang namimiss na kita..” Yun lang ang bukod tangi kong nasabi. Pagkatalikod ko ay hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha na kanina pa nangingilid sa aking mga mata…
Sa mga pagkakataong iyon ay hindi ko maiwasang sobrang malungkot. Ako mismo sa sarili ko ay may pinagdadaanan ng mga sandaling iyon.Kapag sobrang nagmahal tayo at nasaktan pakiramdam natin tayo na ang pinakamiserableng tao sa buong mundo. At yun ang pakiramdaman ko mula ng makipaghiwalay sa akin ang ex-boyfriend ko. Pakiramdaman ko ito ang pinaka masakit na bahagi ng buhay ko. Subalit matapos kung masaksihan ang pinagdadaanan ngayon ng aking kaibigan ay mas lalo kung naunawaan ang gustong iparating sa akin ng Diyos.
Wala na sigurong mas sasakit pa sa nararamdaman ng isang Ama na makita ang kanyang anak na nahihirapang nakaratay sa kama at wala siyang magawa kundi ang manatili sa tabi niya. Wala na sigurong mas sasakit pa sa pakiramdam ng isang kapatid na makita ang kanyang kakambal na wala na ang dating sigla nito , wala siyang maitulong kundi ang bukod tanging alalayan at matiyagang pakinggan ang bawat sakit at daing ng kanyang kapatid. Wala na sigurong sasakit pa sa pakiramdam ng isang kaisntahang walang pagod at paulit-ulit na nananalangin na sana gumaling na ang taong sobrang minamahal niya. Ngayon mas naging malinaw sa akin ang lahat.Na sa kabila ng aking pinagdaraanan ay laging mayroong taong mas higit na nasasaktan. Mas higit na nahihirapan. Nakakalungkot lang dahil sa ganitong paraan ko pa kailangan mamulat. Pero sigurado ako na gusto lang g Diyos na matuto ako ng isang leksyon galing mismo sa mga taong malapit sa akin.
Subscribe to:
Posts (Atom)