Bata pa lang ako ay madalas na talaga ako natatapilok, nadadapa, at minsan nahuhulog pa nga. Hindi ko talaga maintindihan kung ano bang meron sa paglalakad ko, o kung ano bang deperensya ng mga paa ko at lagi na lang akong naaksidente. Kahit ngayong matanda na ako ay madalas ko pa rin itong nararanasan. Kanina habang papasok ako sa opisina ay nadapa na naman ako. Hindi ito ang unang beses na nadapa ako sa Makati, ang lugar na kung saan makakakita ka ng nagtataasang building at lahat ng mga tao ay pormal-pormalan... tapos may biglang aagaw ng eksena, isang babaeng sumubsob sa gutter dahil NADAPA.Talaga namang makakauha ka ng atensyon sa mga pagkakataong iyon. Buti sana kung magmumukha ka lang kaawa-awa, eh hindi eh..magmumukha ka pang tanga at katawa-tawa dahil hindi ka na bata para laging nadadapa. Medyo hindi maganda ang naging pagkakadapa ko ng mga oras na iyon. Ramdam ko ang pagsadsad ng tuhod ko sa semento. May gasgas. Siguro pasalamat na lang ako kasi hindi tumama ang ulo o mukha ko. Pero tulad ng mga naunang pagkakadapa ko, kunwari walang nangyari.Sabay tayo, walang lingon likod dahil alam mong kapag lumingon ka pa ay makikita mo lang ang iba't-ibang reaksyon ng mga taong nakakita sa'yong sumubasob sa semento.Nakakainis.Parang gusto kong maiyak sa mga pagkakataong iyon. Ang aga-aga kasi tapos ganun agad ang bubungad sa umaga mo. Pakiramdam ko parang buong araw ko ata ang masisira dahil lang sa pangyayaring iyon. Pinilit kong maging okey, kahit mahapdi na tuhod ko dahil sa gasgas, kahit na nahihirapan na akong maglakad, kahit na parang ayoko ng pumasok (pero ang totoo ayoko na talagang pumasok hindi dahil sa nadapa ako kundi dahil sa alam kong hindi na ako masaya sa trabaho ko) kailangan kong pilitin ang sarili ko. Kagaya ng pagkakadapa ko kanina kailangan kong bumangon agad, na parang walang nangyari. Hindi pwedeng huminto ang buong araw ko dahil lang sa pagkakadapa ko. Hindi pwedeng maapektuhan ang mga bagay na dapat at nakaplano ng gawin at kailangan matapos ko ngayon dahil lang ayaw ko ng pumasok. Dahil nasira na ang araw ko. Dahil nadapa ako.Siguro nga lampa ako, dahil paulit-ulit na lang akong naaksidente, nadadapa.Pero tulad ng mga pangyayaring iyon kailangan ko ding tumayo agad na parang walang nangyari. Anu't ano ba eh lilipas din naman ang araw na ito. Ang mahalaga lang naman ay magampanan mo ang bawat bagay na nakaatang sa'yo kahit pa may mga di inaasahang pangyayari sa buhay mo. Hindi ka dapat mag paapekto at higit sa lahat hindi iyon dapat makaapekto sa mga taong nakapaligid sa'yo. O siya, marami-rami pa akong tatapusin. Dahil lang sa pagkakadapa ko eh ang dami ko ng sinabi.hehehehe