Tuesday, January 25, 2011

Makati-Bus Bombing

Isang malagim na trahedya ang gumulat sa sambayanang Pilipinas nang isa sa mga bus ng Newman GoldLiner, biyaheng pa-Baclaran-Fairview ang pinasabog habang nasa bus bay ng Buendia sa Makati. Ito ay naganap bandang alas-2 ng hapo, Enero 25. Limang katao ang nasawi habang labing-apat naman ang nasaktan at nagtamo ng iba’t-ibang sugat dahil sa nasabing trahedya. Malinaw na ang kaganapang ito ay isang pangboBomba at  hindi basta-basta lamang mechanical trouble gaya ng mga naunang speculations. Kung makikita ay sobrang nakakalungkot ang iniwang eksena ng nasabing pagsabog. Sa sobrang lakas kasi ay nabutas ang mismong sahig at nawasak ang mga bintana na nasabing bus sapat na upang mag-iwan ng isang madugong eksena. Naputol ang mga paa ng dalawa sa mga nasawi, at may ilan din sa mga biktimang nabuhay ang naputulan ng paa. Nakakalungkot. Nakakikilabot kung ating iisipin. Maraming lumabas na ispekulasyon at mga hinala. Sinasabi ng iba na ito raw ay isang banta upang agawin ang kapangyarihan ng ating kasalukuyang pamunuan, delaying tactics naman ang sinasabi ng iba upang matabunan ang isa sa pinakamainit na issue ngayon tungkol sa car jacking. Pero ang higit na mas malinaw na ito ay kagagawan ng mga terorista. Nabasa ko sa isang pahayagan na dalawang buwan na ang nakaraan nang magbigay ng isang banta ng pag-iingat ang mga bansang America, Canada at Australia sa tangka ng terorismo, pero ito raw ay binalewala lamang ng ating gobyerno. Ngayon tuloy ay nagkakagulo na ang lahat. Kung susukatin ng isang pangkaraniwang mamamayang tulad ko ay gaano nga lang ba tayo kaligtas sa pang araw-araw nating biyahe, pamamasyal sa mall at pagbiyahe pauwi n gating mga probinsya? Ito raw kasi ang mga lugar na target ng mga terorista. Gaanu nga ba kahigpit ang seguridad na meron tayo?
Kanina  lang ay na late na ako sa pagpasok sa opisina dahil sa tagal ng inspection sa MRT. Medyo nakakainis kasi pinaghirapan kong gumising ng sobrang aga para lang hindi ako mahuli sa pagpasok.  Pero kahit pa aga ko ng umalis ay napabilang pa din ako sa higit isang daang katao  ang sobrang tagal ng inspection.Umabot mahigit 30 mins.Sobrang dami na ng tao. Sa tinagal-tagal kong nagiMRT ngayon lang umabot ng ganun katagal ang inspection. Dati ang nagiging dahilan ng paghaba ng pila ay dahil sa may nasirang tren, pero ngayon madaming naantala dahil sa nangyaring bombing.Nakakainis para sa mga commuters na gaya namin kasi pinilit naming gumising ng maaga para hindi malate, pero dahil sa insidente nalate ka tuloy. Naging napakahahaba ng pila, doble sa pang araw-araw na haba ng pila na nararanasan ko. Mas naging siksikan ang pag-akyat. Lahat na yata ng pwedeng mapipi, napipi na. Siguro kung may baon ka pang nilagang itlog, baka nabasag mo na.Pagdating sa inspection, ang dating di kuhit ay ginagawang kalkal na talga. Kailangang buksan ng malaki ang bag na dala-dala mo,.kahit bulsa at kasingit singitan na sulok ng bag tinitignan.Ang lagayan ko ng baunan na dati okey lang na hindi ipacheck ay hindi nakaligtas sa pagpapabukas. Pero wala ka namang magagawa. Hindi pwedeng magreklamo dahil alam mo namang ginagawa lang nila ang trabaho nila, ang mas maghigpit dahil sa nangyaring bombing.. pagadting ko sa taas wala ng hassle. Walang siksikan dahil diretso pasok agad at walang naipong madaming tao. Pero kung iisipin, hindi ko alam kong kanit papaano ba ay may naging positbong epekto ang nasabing pangbobomba para sa aming mga MRT commuters.Naghigpit sa mga inspection area pero nagssuffer naman ang mga tao. Hindi kaya pwede na kasabay ng paninigurado eh hindi tayo naapektuhan? na sa kabila ng mahigpit na inspection, panatag kang sasakay ng tren dahil alam mong bibiyahe ka ng ligtas pero hindi mo rin kailangang magkumahog sa pagbaba dahil alam mong hindi ka pa naman malalate sa pagapasok. Siguro nga maliit na issue lang naman ang pagiging late kumpara sa sinisiguradong seguridad mo habang bumiyahe ka. Pwede namag gumising ng mas maaga pa. Pero sana habang nag-aadjust ang bawat pasahero, gumagawa din ng aksyon ang pamunuan ng MRT para naman hindi lang kami ang nahihirapan. Sana nagtutulungan.Baka pwedeng dagdagan ang mga point of entry ng inspection para hindi naiipon ang mga tao, o kya baka pwede namang magdagdag ng mga security guards para mas madami ang gagawa ng inspeksyon, at higit sa lahat, sana hindi lang ito maging ningas cogon hindi lang sa MRT station kundi sa lahat ng lugar na possibleng pangyarihan ng ganung trahedya. Hindi lang sana ngayon, bukas, at sa mga darating lang na isa-dalawang linggo maging alerto pagdating sa paninigurado ng ating seguridad. Sana maging hobby na ito ng mga taong incharged sa ganitong tungkulin. Ang tiyakin at siguraduhing ligtas tayong bibiyahe at gagala kung saan pa man.



Thursday, January 20, 2011

UTAK: Minsan naman mag-isip ka kung deserving pa ba yang taong iniiyakan mo.. you're so pathetic.

PUSO: Sige na.. ikaw na naman ang laging TAMA.

UTAK: Mapagod ka naman kasi.. siya move on na move na.. samantalang ikaw stranded ka na.. 

PUSO: Hayy.. di ko na alam.. T.T
Sige basa ng basa.. bukas ng kung anu-ano.. expertise mo ba mang STALK?? Tapos pag may nakita at nabasang kakaiba iiyak-iyak ka.. T.T






yun oh!!!!
Aaaaaarrrggggghhhh... Bakit ba namiMISS pa din kita.. MAG-IISANG TAON NA DIN NAMAN AHHH...T#$%^#@#$^ NA!!!!!!!!
Dear Boss:


I'm resigning effective immediately!
 


The reason for my resignation is that I cleaned my aunt's garage this morning before coming to work and realized I don't feel like working anymore.
  


See for yourself... 
;-)






 




Mga Friendship ko na laging nag-aabangan kung kailan ako matutulog



Isang PAGDALAW..



Minsan akong dumalaw sa dati ko kasama sa opisina na matagal ng naka admit isa sa mga Ospital sa may Sta.Cruz Binondo. Pangalawang beses ko na ng pagdalaw iyon. Noong unang beses ko siyang dalawin ay kasama ko pa ang aking mga kaopisina, pero sa pagkakataong ito ay ako lang mag-isa ang dadalaw sa kanya. Ayaw niyang ipaalam ko sa iba na nasa Ospital ulit siya. Bago niya ako payagang makadalaw  ay ipinakiusap niya sa akin na mangako  akong  walang ibang makakaalam na admit ulit siya. Nangako ako. Mabigat para sa akin kasi alam kong mas makakabuti kong malalaman ng mga ka-opisina ko ang kalagayan niya sa ngayon, bukod sa madadalaw siya ay alam kong mas maraming tao ang magdadasal para sa kanya. Pero mas pinili niya na ako lang ang pagsabihan.
Excited akong dalawin siya noon, nung’ huli kasi kaming nagkita kahit paano ay napatawa ko siya. Naalalayan ko siya sa kanyang pagtayo. Minasahe ko yung nangangalay niyang paa, kinuwentuhan ko siya tungkol sa mga nangyayari sa amin sa opisina. Nagjoke ako kahit alam kong korni naman, pero masaya ako kasi napapangiti ko siya. Naging malapit sa akin ang taong ito. Siya kasi ang isa sa napagsasabihan ko nung mga pagkakataong ang sakit-sakit ng pinagdadaanan ko. Siya ang iniiyakan ko, siya ang adviser ko. Kahit paulit-ulit na lang ang kwento ko ay lagi niya paring inaacknowledged yung nararamdaman ko, lagi niyang sinasabi “ ok lang yan girl, masakit kasi sobrang nagmahal ka pero magiging ok ka din..” yun ang paulit-ulit niyang sinasabi sa akin dati, siguro kasi paulit-ulit na rin naman yung mga kwento ko, pero hindi siya nagsasawang makinig. Marami akong natutunan sa kanya, marami-rami ring kaming mga secrets na napag-usapan. Maraming mga nakakatuwang bagay na napagtawanan. Maraming mga point of views sa buhay na naibahagi, maraming mga pangarap na gustong maabot. Pursigo siyang tao. Matapang sa bawat hamon ng buhay. Walang pakiaalam sa pwedeng sabihin ng ibang tao. Maganda rin siya. Masayahin. Makulit. Naalala ko pa nung bago siya maratay sa Ospital. Sumusumpong na yung sakit nya nun’at  nahihirapan ng maglakad pero pumapasok pa din siya. Ako ang naging tungkod niya. Ako ang naging taga alalay. Matapang siya dahil sa kabila ng kalagayan niya ay napagtatawan pa din namin ang mga bagay-bagay. Hanggang sa magulat na lang ako isang gabi ng magtxtsiya para sabihing magreresign na siya kinabukasan. Nalungkot ako kasi pakiramdam ko mawawalan ako ng karamay sa office, mawawalan ako ng kabuddy, mawawalan ako ng tagapagtanggol. Pero inisip ko na lang na yun kasi ang mas makakabuti sa kanya. Kailangan niyang magpagamot. Ang sakit na pinagdaraanan niya ay ang kaparehong sakit na ikinamatay ng kanyang Ina, at sa  pamilya nila ay siya ang nagmana ng sakit na iyon. Minsan napag-usapan namin na ayaw na niyang magkapamilya, kasi pakiramdam niya iiwan lang din naman daw niya. Pero alam kong matapang siya. Sa kabila ng katotohang pwede siyang mamatay ay hindi ko nakita na naging matamlay siya. Hindi ko naramdamang nadepressed siya. Patuloy pa din siyang tumatawa. Nung unang beses namin siyang dalawin sa Ospital ay hindi ko alam kong paano ko naitago yung emosyon ko. Noong unang beses ko siyang makita sa Ospital at nakita kong bumagsak ang katawan niya. Hirap na siya sa pagsasalita. Hindi na siya nakakalakad at kailangan niyang alalayan para makatayo. Sobrang nalungkot ako pero alam kong hindi ko pwedeng ipakita sa kanya yun dahil kahit kami mismo ay hindi namin nararamdaman yung paghihirap niya. Matapang talagasiya, fighter ika nga. Ayaw niyang sinusubuan siya sa pagkain, ayaw niyang bubuhatin siya kung lilipat siya mula sa kanya kama papunta sa lamesang kakainan niya, ayaw niyang bubuhatin siya, ang gusto niya lang ay alalayan mo lang siya sa pagtayo. Nang magpaalam kami sa kanya bago umuwi alam kong napasaya namin siya.
Halos isang buwan  din lumipas mula  sa naging unang pagdalaw ko sa kanya. At sa ikalawang pagkakataon ay muli ko siyang dadalawin. Mas iba ang naging pakiramdam ko sa pagdalaw kong ito. Ayaw kong isipin yung mga clinical manifestations na sinasabi nung libro tungkol sa sakit niya. Iniisip ko na lang na sana hindi ito kasing lala kumpara sa kalagayan niya noong una kaming dumalaw sa kanya. Nasa tapat na ako ng pinto ng kuwarto niya at marahang kumatok, hindi ko alam kung bakit pero kinabahan ako. Maya-maya lang ay pinagbuksan din ako ng pinto. Maliit lang ang naging bago niyang kwarto kaya ilang hakbang lang ay nakita ko din  agad siya. Parang dinudurog ang puso ko ng makita ko siya sa pagkakataong iyon. Ang dami na niyang contraptions. Hindi na din siya nakakapagsalita dahil sa tracheostomy niya. Napatingin siya akin pero groggy yung itsura niya. Hindi ko alam ang sasabibin ko sa pagkakataong iyon. Nakatingin lang din ako sa kanya. Pero gustong-gusto ko ng maiyak ng mga sandaling iyon. Unang pagkakataon ko iyong dumalaw sa isang malapit na tao na nasa ganun ang kalagayan. Iniisip ko kung anung klaseng paghihirap ang pinagdaraanan niya. Alam kong hindi yun kayang ipaliwanag ng utak ko. Nakita ko siyang pumikit, sabi ng mga kamag-anak niya epekto daw iyon ng kakabigay na gamot sa kanya. Pero sa kabila nun ay maya’t maya din ang gising niya. Hindi na siya nakakapagsalita at  ang tanging paraan niya ng pakikipag usap ay ang maliit ng board na may mga nakasulat na letra. Sasabihin lang ng kapatid niya kung anong klaseng letra (vowel o consonant) ang gusto niyang iparating pagkatapos ay huhulaan na lang nila iyon. Tatango siya kung nakuha  na yung gusto niyang sabihin. Maya-maya pa’y nakita ko siyang nakatitig sa akin. Pinilit kong ngumiti para ipakita sa kanya na hindi ako naawa. Na alam kong malakas siya. Na alam kong kakayanin niya ang anumang pinagdaraanan niya sa ngayon. Tumitig siya sa kapatid niya na nangangahulugang may gusto siyang ipasabi. Agad namang kinuha ng kapatid niya ang board upang tanungin kung anu ang gusto niyang sabihin. “Consonant??Letter L?Letter M? Letter K?kaw? KAYO? Letter T?? B?? M??Muna? Letter B?? BAHALA??, “kami muna bahala sa bisita mo??” Sabi ng kapatid niya. Agad naman siyang tumango. Naantig ang puso ko ng mga oras na iyon. Ang dami kong gustong sabihin sa kanya. Ang dami kong gustong ikwento, ang daming alala na gusto kong balikan namin. Pero ni hindi ako makapagsalita. Nakatingin lang ako sa kanya. Nakatulala. Kahit papaano ay kinukwentuhan ako ng mga kamag-anak niyang naroon pero halos hindi ko rin sila makausap. Wala akong halos masabi. Mahigit isang oras din ako na naroon sa Ospital.Nakatitig lang ako sa kanya. Iniisip ko kung hanggang kailan niya kaya kakayanin ang pinagdadaanan niyang iyon. Nakikita ko ang pamilya niya, kung paano nila niaalayan ang kaibigan ko sa tuwing dumadaing ito. Ang  tanging alam ko lang ay bukod sa pisikal na hirap ay mas naghihirap ang kanilang kalooban sa nakikita nilang kalagayan ng isa sa taong pinakakamamahal nila. Pero sa kabila nun ay alam kong matapang din sila, dahil nakita ko na hindi sila nawalan ng pag-asa. Alam kong pinipilit nilang maging matatag. Pinapakita nilang masaya parin sila sa kabila ng lahat. Maya-maya pa’y nagpaalam na rin ako. Muli ko siyang nilapitan sa kanyang kama . Agad naman niyang ipinakuha ang board sa kanyang kapatid..” Vowel??Consonant?Letter B?Letter G?H?Hwag??Vowel?? Consonant? Mo??Hwag mo Ipagsabi?? Tumango siya. Nakuha ko naman agad ang nais niyang iparating sa akin. Na hindi ko pwedeng ipaalam sa iba ang kanyang kalagayan sa ngayon. Bago ako umalis ay nangako ako sa kanya na kahit kanino ay hindi ko ipagsasabi ang kanyang kondisyon. Pinagkatiwalaan niya ako at alam kong isa itong mabigat na bagay.Bago ako tuluyang magpaalam ay madiin kong hinawakan ang kanyang kamay..“Pagaling ka Kat, ipagdadasal kita.. Sobrang namimiss na kita..” Yun lang ang bukod tangi kong nasabi. Pagkatalikod ko ay hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha na kanina pa nangingilid sa aking mga mata…
Sa mga pagkakataong iyon ay hindi ko maiwasang sobrang malungkot. Ako mismo sa sarili ko ay may pinagdadaanan ng mga sandaling iyon.Kapag sobrang nagmahal tayo at nasaktan pakiramdam natin tayo na ang pinakamiserableng tao sa buong mundo. At yun ang  pakiramdaman ko  mula ng makipaghiwalay sa akin ang  ex-boyfriend  ko. Pakiramdaman ko ito ang pinaka masakit na bahagi ng  buhay ko. Subalit matapos kung masaksihan ang pinagdadaanan ngayon ng aking kaibigan ay mas lalo kung  naunawaan ang gustong iparating sa akin ng Diyos.
Wala na sigurong mas sasakit pa sa nararamdaman ng isang Ama na makita ang kanyang anak na nahihirapang nakaratay sa kama at wala siyang magawa kundi ang manatili sa tabi niya. Wala na sigurong mas sasakit pa sa pakiramdam ng isang kapatid na makita ang kanyang kakambal na wala na ang dating sigla nito , wala siyang maitulong kundi ang bukod tanging alalayan at matiyagang pakinggan ang bawat sakit at daing ng kanyang kapatid. Wala na sigurong sasakit pa sa pakiramdam ng isang kaisntahang walang pagod at paulit-ulit na nananalangin na sana gumaling na ang taong sobrang minamahal niya. Ngayon mas naging malinaw sa akin ang lahat.Na sa kabila ng aking pinagdaraanan ay laging mayroong taong mas higit na nasasaktan. Mas higit na nahihirapan. Nakakalungkot lang dahil sa ganitong paraan ko pa kailangan mamulat. Pero sigurado ako na gusto lang g Diyos na matuto ako ng isang leksyon galing mismo sa mga taong malapit sa akin.



Tuesday, January 11, 2011

Hillo.. ?Sino ang kilangan mo??

Bunga ng malikhaing pag-iisip ng aking Ama't Ina (plus typographical error ng secretary na nagrehistro sa akin sa munisipyo) nabuo ang pangalan ko.
JUDITH (mother's name) + JOEY (father's name) + katagahan nung secretary = JOEDITH. Medyo may kaonting confusion nga lang dati kapag mayroong tumatawag sa akin sa telepono.


Caller: Hello.. pwede po kay Joedith?
Tatay:(naiba ang dinig) Sinong kilangan mo yung nanay o yung anak?
Caller: (napapakamot sa kabilang linya) Yung kaklase ko po, si Joedith.
Tatay: ahh.. ok


Caller: Hello.. pwede po kay Jhoey?
Nanay: Sinong kilangan mo yung tatay o yung anak?
Caller: (napapaisip) Si jhoey po, yung kasama ko po sa simbahan.
Nanay: aahh.. ok

oOhhAa! San ka pa? Sa pangalan ko lang yan

eto ang Peyborit ko..

MRT 101

Sa tinagal-tagal kong commuter ng MRT, marami-rami na rin akong
naging pakikipagsapalaran sa pagsakay  dito, masasabi ko nga na
isa na to sa bumuo ng pagkatao natin bilang mga PINOY . Very Classic and only in the Philippines  ika nga.
Ang mga ss. ay ilan lamang sa mga MRT encouters na pinagdaanan (ko/mo) sa pang araw-araw na Biyahe ng MRT.


*Box-office na pila (kahit pa sobrang aga mong umalis ng bahay mararanasan mo pa din ang pagkahaba-habang pila mula sa first station, daig pa ang pila ng lotto na me jackpot na 7000+ M)

*Kung me pila syempre may mga naniningit (asar to’ lalu’t sobrang haba ng pila tapos makikita mo na may mangilan-ngilan na nag-iinfiltrate sa unahan, eto ang mga pagkakataong masarap manapak lalo na’t alam mong  malalate ka..pero guilty ako dito, naniningit din ako minsan eh..hihihihi☺)

*Inspection time (kapag medyo strict yung guard nakakabadtrip to’, kasi lahat ng may zipper kailangang buksan at ipakita mo ang laman, kung may regalo klangan iunwrap, pero kahit na kadalasan isa to sa nagiging sanhi ng mahabang pila ayos  lang, kasi for security purposes lang naman, para maiwasan na yung nangyaring LRT bombing noon.
Kung sa pethics na guard ka naman mapupunta ikukuhit lang nila yung hawak-hawak nilang stick at tada! inspection na yun)

*Box-office na pila (part 2) kung sa baba pa lang ng entrance ay makikita mo na ang pang lotto outlet ticket station na pila, asahan mo pagpasok sa loob ay may part 2 pa yan.. at iyon ay ang pilahan ng ticket bago ka makapasok sa mismong station.. pang box office din ang pila nito..swerte ko na lang kasi nauso ang stored value (consumable ticket na worth 100php valid for 3mos, non-refundable pero pwedeng transferrable) kaya tuwing suweldo lagi akong namamakyaw nito para hassle free na pagdating sa bilihan ng ticket..

P.S SIGURARUDHING  hindi kayo sa EXACT FARE pipila kung Limang-daan ang dala-dala nyong pera,  kundi kahit maglupasay pa kayo  sa tapat nun, wala pa ring sukling babalik sa inyo.(exact fare nga di  ba??☺)

*Pila (part 3)-pagkatapos ng pagkahaba-habang pila papasok at pila para sa ticket wag’ kayong mag-alala, dahil pipila kayo ulit.. eto na ang pilang papasok sa station ng tren,
swerte na lang kasi hindi ganun kabox office ang pilang ito subalit gaya ng pila papasok may mangilan-ngilan pa din malalakas ang loob na sumisingit sa pila.. (ang sarap ulit manapak.. ☺)


Pakikipagsapalaran. Kung ikaw ay isang regular na empleyadong nagtatrabaho mapa Norte o Timog (biaheng North Ave.-Taft) na may pasok Lunes-Biernes mula alas otso hanggang alas singko ng hapon, sureness ako na isa ka sa mga mapalad na nakikibaka sa araw-araw na pakikipagsapalarang ito. Ang mga sumusunod ay mga pawang personal na karanasan ng isang ordinaryong empleyadong araw-araw na nakikipagsapalaran makapasok lang sa loob ng tren..
>mauna-una sa harapan- Paunahan na lang kung sino ang mapalad na makakapunta sa unahang bahagi ng flatform ng istasyon, ung tipong ilang guhit na lang eh alam mo ng sa riles ka na pupulutin magkataong sapian ng maligno ang isa sa mga taong nasa likuran mo.(Note: bawal lumagpas sa dilaw na linya ng platform, yung parang pedestrian lane ang itsura, pero si mamang guard na nagbabantay, kadalasan walang pakiaalam)
>men's lane vs. female, Senior Citizen and PWD lane- Ang area ng mga babae, matatanda at mga taong may kapansanan ay area lang nila, samantalang ang area ng mga lalaki ay area pa din ng mga babae, at dahil pag galing North Station ay area agad ng mga lalaki ang bubungad sa'yo wala kang choice kundi dun na mag-abang kesa gumawi pa sa pagkalayo-layong female’s lane (bukod sa nakakatamad lakarin, mas di hamak na warfreak ang mga babae pagdating sa siksikan kesa sa mga lalaki)

>ang kalbaryo ng mga kababaihan sa men's lane- Eto lang ang consequence kung ikaw na isang babae ay naglakas loob na makipagsapalaran sa lane ng mga lalaki.. Dito
makakatagpo ka ng iba't-ibang uri ng mga walang hiyang hinayupak na mga anak ng teteng na *@#$%^7 na MANYAK!!!!!OO MANYAK!!!!mga LECHENG MANYAK!!!!!AT NAGLIPANA SILA sa mga ganitong pagkakataon (ggggggggrrrrrrrrrr...) para silang mga buawayang nag-aabang ng mga mabibiktima nila.. mga HAYOP sila,, oo HAYYYYYYUUUUUPPPPPP dahil
sa dami kong experience ng mga pang Mamanyak sa MRT..(Lahat ata ng hipo at dukot) at kung mayroon man akong gustong balatan ng buhay at ifiring squad sa Luneta sila yun!!! (oh di ba ang dami kong galit, alangan naman matuwa ako di ba??)


Trip to Jerusalem (Patayan version). Kapag nasa harap ka na ng tren at papasok sa loob ay matagumpay mo na nang nalagpasan ang ilan sa itinakdang pagsubok ng mga piling commuter ng MRT kung mapagtatagumpayan mo ito ng walang anumang kapahamakan (walang guard o kapwa pasaherong nakaaway, nasuklian ng tama sa pagkuha ng ticket, naishoot ng tama ang magnetic ticket sa machine, wow sosyal!, at nasa bandang unahan ng platform ng hindi nahuhulog sa riles), masasabi kong ikaw ay isang pambihirang pasahero. Ngayon ay next level ka na ng pakikipagsapalaran, ang pagpasok sa loob ng tren. Isa eto sa pinaka challenging part ng pagiging commuter. Kung nasa unahan ka, swerte mo, kasi ang pwede mo lang maranasan ay ang sumubasub sa loob ng tren sa gagawing pagtulak sa’iyo ng mga taong nasa likuran mo na sobrang excited ng makipag-agawan ng upuan, at gaya ng sinabi ko, kung ikaw ay isang mapalad na nilalang at hindi ka susubsob.. tada!the seats are all yours, pwede ka pang makapili kung saang side mo gusto umupo.. mga ilang  segundo nga  lang yun dahil mga ilang kurap mo lang ay makikita mo ng umaapaw ang tao sa loob at para na kayong mga sardinas. Kung ikaw ay minalas-malas naman at nasa bandang pagitan ka ng mga sangkaterbang  tao ang mga sumusunod ay mga pangkaraniwang mararanasan mo: makipagdumbulan, masiko at makipagsikuhan, matulak at manulak, maapakan ang paa, mapigtasan ng tsinelas, maipit at madikdik ng mga tao, mapigtasan ng bag, mapigtasan ng accessories (belt, dangling earrings,at mga naglipanang blingbling ng mga kababaihan ), maipit sa pintuan ng tren, madukutan at higit sa lahat ang MAMANYAK (trivia: may dalawang uri ng manyak sa MRT, isang  Casual Manyak na nananamantala habang nagkakagitgitan sa pagpasok sa loob ng tren, at ang mga Avid Manyak sa likuran mo na habang siksikan sa loob ay sumisimple naman ng pagdiskarte sa pananantsing)
Sa kabilang dako, kung ikaw naman ay nasa huling bahagi na ng platform, isa lang naman ang kalbaryong pwede mong maranasan, susubukan mong ipagsiksikan ang iyong katawan makapasok ka lang habang nagbabuzz na ang alarm ng pinto at inaanounce na ng driver na “NEXT TRAIN NA LANG PO..” kung hindi mo ito mapagtatagumpayan, wala kang ibang choice kundi ang maghintay ulit ng kasunod (di bale at least ikaw na yung nasa unahan).

Sagupaan sa Paglabas. Kung iyo namang napagtagumpayan ang pagpasok sa loob ng tren, syempre isa pa rin sa iyong pakikibaka ang paglabas naman kapag nakarating ka na sa iyong pupuntahang istasyon (para sa mga bababa sa malalapit na istasyon: GMA KAMUNING-BONI, BUENDIA-SANTOLAN station), ang technique??gamitin ang lahat ng natutunan mong skills sa pagpasok sa loob ng Tren at matagumpay ka ring makalalabas dito.


Ngayon nga ay nalagpasan mo na ang mga pagsubok na itinakda para sa isang mapalad na regular commuter ng MRT (buhay ka pa ba??) Binabati kita! ☺☺☺ Dahil kung nararanasan/  naranasan at napagtagumpayan mo ang mga pakikibakang ito ng isang pasahero ay masasabi kung isa kang NORMAL NA TAO.

Addendum: Minsan may benefit din ang pagsakay sa lane ng mga Lalake.. magpaCute ka lang at magpanggap na sobrang nabibigatan sa dala-dala mong pouch shoulder bag (tada!may instant gentleman na mag-ooffer sa’yo ng kanilang upuan)





Saturday, January 8, 2011

...

Hindi na tayo magkasama subalit nararamdaman kita,
Nalalaman ko bawat pagluha mo kahit hindi ko eto nakikita.
Nadidinig ko bawat paghikbi mo kahit wala ka sa Aking tabi,
Sinaktan Ka Nya at sa tuwing nararamdaman ko yun mas nsasaktan Ako.
Gusto kitang damayan pero alam kong hindi mo ako kailangan,
Gusto kitang yakapin pero alam kong mga bisig Nya ang mas gugustuhin Mo,
Gusto kong Iparamdam Sa'yo na nandito Ako, na Mahal kita.
Subalit Paano? Hindi ba't matagal mo na akong kinalimutan?
Ayaw kong saktan ka Nya ng ganyan.
Ayaw kong nararamdaman na nahihirapan ang Iyong kalooban.
Hindi ka dapat umiiyak.
Hindi ko dapat maramdaman ang Iyong paghihirap.
Dahil alam ko kung gaanu kasakit ang Iniiwanan,
Dahil alam ko kung ganu kasakit ang Naiiwan,
Dahil alam ko kung ganu kasakit ang Nagmamahal,
At alm kong yun ngayon ang Iyong Pinagdaraanan.
Sana Ako na lang Sya,
Dito Ka na lang ulit sa Akin,
Kasi ako hindi kita kayang Saktan,
Hindi kita kayang Iwan..
Mahal na mahal pa din Kita..
Babalik ka pa Kaya?

WRONG SENT



(ang mg ss. na pangyayari ay hango sa totoong buhay subalit upang maprotekhan ang mga taong may kinalaman sa kaganapang ito ay pinili kong hindi na banggitin ang kanilang mga pangalan kahit hinihingi ng pagkakaton,.. Tska baka sumikat pa sila noh..☺☺☺)

Kung babalikan ko ang ilan sa mga hindi makakalimutang pangyayari ng aking buhay ay mayroon akong maibabahaging isa sa hindi makakalimutang kwento ng MALAKING KATANGAHANG naencouter ko noon.  Oo, sobrang katangahan talaga. Ganito ang kwento:

Nag-kaayaan kami ng mga kabarkada kong pumunta ng Pampanga dahil fiesta sa lugar ng bestfriend ko noon, yun nga lang,  nagkataon namang may duty ako. Pero sa kagustuhang makagala ay inisip kong makipagpalit ng araw ng duty sa kasamahan ko sa Clinic. Sa mga ganung pagkakataon ay allowed naman kaming makipagpalitang subalit sa hindi inaasahang pangyayari ay dinali ako ng di maipaliwanag na kamalasan ng mismong araw na dapat sana ay ini-enjoy ko habang nagbabakasyon.

Nasa Pampanga na kami nun’ ng biglang mag gm (group message) sa amin ang Head Nurse ko para tanungin kung sino ang nakaduty sa araw ding iyon. Hindi ako personal na nakapagpaalam sa kanya na nakipagpalitan ako kaya nagtext ako sa kasamahan ko na pinakiusapan kong pumalit sa akin ng duty at ganito ang mismo kung sinasabi, “_______(pangalan ng aking kasamahan) nagtxt sa’kin si _______ (pangalan nung Head Nurse ko) tinatanong kung duty daw ako, pakisabi kunwari la ko load, hindi kc ako rep sa kanya eh”.. hindi ko alam kung anong klaseng espiritu ang sumapi sa akin ng pagkakataong iyon. Namalayan ko na lang na ang sumunod nang kaganapan ay bumalik na sa akin ang mismong text na iyon galing sa mismong Head Nurse ko, tapos may kadugtong na sa dulo….ano to lokohan?”.
Ano ang feeling?? Hindi ko din maipaliwanag, para akong natae, naihi, namutla, nanigas, nanlamig, natakot, na ewan..lahat na yata ng hindi magandang pwedeng maramdaman ng isang tao eh naramdaman ko na sa mismong araw na iyon (dated: 21st of Aug year 2009 @ around 09:38 in the morning), hindi ko alam kung magpi-freak out ako.. kumakain ako ng mga sandaling iyon pero ni hindi ko naramdaman yung kinain ko. Bigla akong nanlata. Nanghingi ako ng tulong sa mga kasama kong naroon kung paano ako magrereply pero kahit sila ay biglang nataranta sa kahindik-hindik na kaganapang iyon. Nagtext ako para magpaliwanag, sabi ko natakot at nahihiya lang akong magpaalam sa kanya kaya ko nagawa yun (ang haba nung paliwanag ko na yun, sa sobrang haba nga yun lang talaga ang naalala kong sinabi).. subalit wala akong reply na natanngap. Hindi na ako mapakali.., nagpa load na talaga ako para tumawag sa head nurse ko, naka-ilang dial na ako pero hindi sinasagot. Text ulit, walang reply, dial ulit, walang sumasagot. Natawag ko na ata lahat ng santo, damang-dama ko, pagbalik ko nito ng Maynila wala na akong trabaho. Diyos ko po! Sa wakas, maya may nagtext.Nagreply yung Head Nurse ko, sabi niya may ginagawa lang daw sya kaya di nya masagot yung cellphone nya. Syempre hindi ako naniniwala.Nararamdaman kong ayaw niya talaga akong kausapin. Nagkapaliwanagan. Ang dami rin niyang sinabi,at  hindi ko na din  maalala sa sobrang dami.. basta ang point lang, sana sinabi ko na lang sa kanya, sana nagpaalam ako ng maayos, SANA HINDI KO GINAWA yun.. Tapos parang okey na, nagSORRY ako, sabi na ..”basta next time hwag mo na lang uulitin yun, magpaalam ka ng maayos.” Matapos ang usapang iyon ni hindi nabawasan yung pagkabalisa ko, parang gusto ko ng matapos agad ang araw na yun’. Wala na akong na-enjoy sa mga naging kaganapan ng bakasyon ko. Gusto ko ng bumalik ng Maynila. Kung pwede lang isipin kong panaginip lang ang lahat ng iyon. Kilala ko ang Head Nurse ko, alam kong hindi lang dun magtatapos ang usapang iyon. Simula pa lang iyon.

At hindi ako nagkamali. Naguilty lang ako kasi pati yung kapalitan ko ng duty nung panahon na
yun’ nadamay ko. Pagbalik ko sa clinic ang awkward na ng sitwasyon. Umiwas muna ako sa hed nurse ko, feeling ko naman umiiwas din sya akin (Nagkahiyaan ata kami) Nung’ nagkita kami sinubukan ko syang kausapin, sabi lang nya wala na daw sa kanya yun. Anim na araw pagkapos ng insidente, tada! Natanggap ko ang kauna-unahang memo ko,  pati na din yun kasama ko., INSUBORDINATION (dishonesty) yung grounds (iaattached ko sana dito yung memo kaso baka sumikat din yung HR at yung clinic na dating pinagtatrabahuan ko), Pinagpahinga ako ng ilang araw, hindi ako binigyan ng schedule of duty. Inisip ko na lang suspension yun, okey lang, kasalanan ko naman. Pagbalik ko sa duty ibang-iba na ang sitwasyon (ayoko ng isalaysay dito. Tsaka na lang, kasi masyado ng mahaba at madarama). Dalawang buwan mahigit pagkatpos nun, nagresign ako sa sa trabaho. Bakit? Ang dami ng hindi maipaliwanag na pangyayari. Hindi na ako masaya. Naging magulo n gang mga bagay-bagay. At higit sa lahat hindi na ako kampante sa tuwing ako ay pumapasok. Duamting na sa puntong para wala na sa ayos ang lahat. Nakakalungkot. Nakakaiyak. Tsk.Tsk.Tsk. (ayaw ko ng masabing isalaysay ang mga pangyayari dahil bukod sa masyado ng mahaba ay masyado pa itong madrama,hehehe..tsaka na lang ulit)



Minsan talaga may mga kanya-kanya lang tayong KATANGAHAN  sa buhay. Basta lagi nating tatandaa na dapat  lagi  tayong patas sa lahat ng ating gingawa. Mahalaga ang KATAPATAN sa lahat ng pagkakataon maging sa trabaho man, pamilya, mga kaibigan at kahit san pa tayo dalhin ng pagkakataon (honest naman ako sa mga oras nay un, natakot at nataranta lang talga ako kayak o nagawa yun..hahaha, pero totoo talaga yun). Marahil umiral ang kapilyahan ko sa pagkakataong iyon subalit sa kabila ng mga pangyayari, sa bawat nagiging pagkakamali ay lagi namang may kalakip na ARAL. Aral na kahit pa paglipasan na tayo ng panahon ay lagi pa rin natin itong matanim sa ating isipan. Simple lang naman ang buhay. Matuto lang tayo sa bawat pagkakamaling ating pinagdaanan. Pwede nyo akong husgahan base sa kwentong ito, depende sa mga sarili-sarili nyong opinion. Pero isa lang naman ang masasabi ko, madaming nangyari dulot ng insidenteng ito, pero naging mas matatag ako. Tumanggap ng pagkakamali NATUTO.

At ano ang moral lesson ng kwento?? Hwag ma-excite sa pagrereply..laging magdouble check ng recipient, para hindi narowrong sent.☺☺☺

Tuesday, January 4, 2011



Wala namang perpektong MUNDO.. Nasa sa'yo na lang kung paano ka makikiangkop dito. Walang mahirap sa paggawa ng TAMA... Hindi nakakapagod MAGPAKABUTI.. Walang mawawala sa'yo sa tuwing nakakatulong ka sa iyong KAPWA.
Hindi kakulangan ng isang PAGKATAO kung hindi ka natutong magBISYO o kung hindi mo naranasang MAKAPANAKIT at MANLOKO ng KAPWA mo, tapos sasabihin mong mas MAKABULUHAN ang buhay mo dahil matapos mong MAGPAKASAMA eh nagbago ka? 
Walang MASAMA sa PAGBABAGO subalit maisip mo sana na kung pwede namang MAGSIMULA NG TAMA bakit pa kailangan magpakaGAGO lalu't kung alam mo na sa bandang HULI  eh ISA KA TALAGANG MABUTING TAO

Sunday, January 2, 2011

Bagong Taon.. Bagong TAO

Isang Taon na naman pala ang Namaalam..Labing dalawang buwan na dumaan.. Tatlong daan at animnapu't araw na lumipas. Kung babalikan ko ang bawat araw, oras, minuto at segundo ng taong ito ay masasabi kong ito'y naging isang makabuluhang TAON KO.

Sa taong ito ko mas nakilala ko ang aking sarili.. Natutong lumaban at mas naging MATATAG sa bawat hamon ng buhay. Kung aking babablikan ang bawat pakikibakang aking pinagdaanan, ang taong itong ay nagbigay ng samu't saring tuwa, lungkot, biyaya, aral at mga bagong kaibigan.

Taong 2010.. Bagong Taon, bagong oportunidad sa panibagong mundo.. Ito ay ang aking bagong Trabaho. Wala man ako sa Ospital o Clinic bilang isang rehistradong Nurse ay dala ko naman ang kaalaman ng pagiging isang Nurse na hinihingi ng aking trabaho. Pagiging isang Claims-Analyst ang naging bagong hamon ko.
Malaki ang pasasalamat ko sa kunpanyang kinaroonan ko ko sa ngayon dahil dito ko naranasan ang pagtrato sa isang "totoong empleyado".. walang pamumulitika. Walang araw sa iyong pagpasok na kinakabog ang iyong dibdib kung may babalikan ka pang trabaho.. BASTA ALAM MONG TAMA AT NASA LUGAR ANG MGA GINAGAWA MO. Dito patas ang natatanggap mong katas ng bawat pawis mo.. sakto ang suweldo lalu't alam mo na bawat oras/minuto ay pinaghirapan mo. Dito patas ang mga taong nakatataas sayo.. walang kinikilingan, walang kaibigan, WALANG KAMAG-ANAK. Ang kumpanyang ito ang siyang totoong naging pangalawang pamilya ko.

Taong 2010.. dito ko rin naranasan ang isa sa pinaka masakit na bahagi ng aking buhay. Isa sa alam kong dahilan kong bakit ko nasabing mas naging matatag ako ngayon bilang TAO.. Ang IWANAN, MANG-IWAN, ,MAGPAALAM.. Dito ko naranasan ang IWANAN ng isang taong sobra kong MINAHAL. Masakit dahil kasabay ng pagkawala ng TAONG IYON ay ang pagkawala rin ng isang TAONG itunuring kong KAKAMPI at MATALIK NA KAIBIGAN.. Masakit pero kailangang MANG-IWAN kahit pa sa kabilang ng isang MALUNGKOT NA PAALAM ay pwede namang maging tulad pa din kayo ng dati... subalit mas kinailangan mong piliin ang TAMA dahil alam mong iyon ang mas makakabuti para sa inyong dalawa...
IWANAN.. MANG-IWAN..,MAGPAALAM.. ito ay naging isang mabigat na hamon sa aking ng taong ito subalit alam kong KINAYA at NAPAGTAGUMPAYAN ko balik-balikan ko man ang lahat ng lungkot at luhang pinagdaanan ko alam kong naging matatag ako... OO matatag ako gaya ng sabi mo at lagi kong pinaghahawakan yun magpasahanggang ngayon.

Maraming itinurong LEKSYON sa aking ang TAONG ito.. Dito ko natutunang mahalin ang sarili ko, irespeto ang opinyon ng bawat tao, matutong mas umunawa lalu't alam mong ikaw ang mas may kapasidad na umunawa, maging bitter dahil parte iyon ng buhay subalit matutong tumanggap ng realidad.. MATUTONG MAGPATAWAD. Dito natutunan ko na hindi lahat ng bagay na alam mong nagpapasaya sa IYO/INYO ay hindi na pwedeng matapos sapagkat lahat ng bagay na may simula ay mag nakatakda ring katapusan.. katulad din ng isang matinding kalungkutan... lahat may katapusan kaya't matutong magpasalamat sapagkat naging bahagi ka nito at umasa na sa bawat katapusan ay mayroong ISANG BAGONG SIMULA.

Ang taong ito ang humubog sa akin upang mas MATUTONG MAG-ISA at LUMABAN. Dito ko natutunang patunayan ang aking KAKAYAHAN sa mga taong nanira at kumwestyon sa kung ano ang kaya kung gawin. Sa taong ito nakahanap ako ng mga bagong kakampi sa mga sandaling sobra akong nasasaktan subalit walang makausap at mapagsabihan.. At higit sa lahat, sa TAONG ito ko naramdaman na ako ay isang MAS MABUTING TAO sa kabila ng bawat sakit at lungkot na pinagdaanan ko.


Taong 2010.. may mga taong nawala subalit may mga bagong kaibigan.. may mga pinagdaanang lungkot subalit may mga alala pa rin naman ng tuwa.. may mga naging luha subalit alam kong may mga tao akong napasaya.. HINDI AKO NANINIWALA SA NEW YEAR'S RESOLUTION subalit naniniwala ako na ang bawat BAGONG TAON ay laging may dalang BAGONG PAG-ASA at BAGONG BUHAY (TAO).. isa lang naman ang gusto kong mangyari para sa TAONG ito.. ang MAS MAGING MABUTING KAPWA pa ako sa bawat minuto.. oras.. araw..buwan at TAONG pagdadaanan ko.

Saturday, January 1, 2011

Eh Anu naman??!



Hindi ako nagkainterest sa pagba-blog dahil sa gusto kong magpasikat at magkaroon ng sandamakmak na followers. Kuntento na ako kahit sa isang matalik na kaibigang follower ko. Siguro nga masarap ang pakiramdam kapag alam mong madaming tao ang nakakabasa at nagkakagusto sa bawat article at posts mo. Pero simple lang naman ang gusto ko, yun ay ang magpahayag ng damdamin at maibahagi sa ganitong paraan ang talentong mayroon ako sa pagsusulat. Hindi ako ganun kagaling sa pagsusulat pero alam ko rin naman na hindi lahat sa atin ay may angking kakayahan sa pagkatha, kaya alam kong ito ay biyaya sa bawat isa na gusto kong maibahagi hindi upang magpa-impress sa ibang tao kundi ang magsilbing inspirasyon sa mangilan-ngilang nagbabasa sa blog kong ito.

Buti na lang PINOY ako :)

Madami na rin akong mga naging personal encounter sa inaraw araw kong pagsakay ng MRT. Naranasan kong maipit, maapakan ang paa at masugatan, maitulak, mabastos at mahipuan, at ang pinaka grabe sa lahat ay ang mismong mahulog ang kaliwang paa ko sa awang sa pagitan ng train at platform ng station. Subalit sa kabila ng lahat mas gugustuhin ko pa ding mgMRT kesa bumiyahe ng bus papasok sa aking pinagtatrabahuan, marahil dahil bukod sa makakaiwas ako sa traffic ay isa ito sa nagbibigay kahulugan sa pagiging isang pinoy, ang mga pang araw na kakaibang experience na meron dito. Isa sa pinaka hindi ko makakalimutang experience ay nang minsang sakay ako ng last trip ng MRT pauwe galing sa ginanap na christmas party sa aking pinagtatrabahuan. Habang ako'y nakaupo ay naagaw ng isang babaeng may karga kargang bata ang aking atensyon. Malakas ang pag iyak ng bata at napansin ko din n maging ang babaeng may hawak sa kanya (hindi ko lang sigurado kung mag ina sila sapagkat medyo bata pa ang babae)ay umiiyak din, ibibigay ko sana ang upuan ko sa kanya ng biglang tumayo ang isang lalake sa tabi ko at nagoffer ng sariling upuan nya. Kahit nakaupo na sila pareho ay patuloy pa din ang pag iyak ng bata, sapat na para makuha ang atensyon ng ilan sa mga pasahero na naroon. Nagugutom ang bata, yun ang naiisip kong tanging dahilan ng sobrang pag iyak ng bata. Nakakalungkot dahil sa pagkakataong iyon ay wala akong maibigay na tulong, bigla ko tuloy naisip na sana meron akong kahit biskwit man lang sa bag ko. Patuloy ang pag iyak ng bata, marahil kong nakakapagsalita lang sya ay sasabihin nyang gutom na gutom na sya. Sinubukan  kong aliwin ang bata sa pamamagitan ng pamaypay na hawak ko subalit hindi iyon nakatulong. Ganundin ay patuloy ang pag iyak ng babaeng may tangan sa kanya. Maya-maya pa ay may isang pasaherong naglakas loob sabihing nagugutom ang bata pero nadinig ko nalang na bumulong ang babae para sabihin sa bata na wala silang dalang gatas. Tila naantig ang kaloobang ng isang matandang lalakeng naroon. Nagtanong sya kung kumakaen na daw ba ng biskwit ang bata, subalit walang kibo ang babaeng may karga dito. Inabot ng matandang lalake ang isang cupcake sa bata at sa kabila ng musmos na pag iisip nito ay nalaman nya agad na pagkain na ang tangan tangan nya. Hindi umiimik ang babae at patuloy pa din ito sa pag iyak kung kayat ako na mismo ang nagbukas sa pagkaing hawak-hawak na ng bata. Sobrang naantig ang puso ko habang nakikita ko kung ganu kagutom ang bata habang ito ay aking sinusubuan. Subalit ang mas higit na nakakuha ng aking atensyon ay nang ang ilan sa mga pasaherong naroon ay isa isang nag abot ng pera sa babae, pakiramdam ko tuloy para akong nanunood ng programa ni willie. Pero iba pala yung pakiramdam kapag nakikita mo mismo ang ganung senario.
Marami sa panahon ngayon ang mga Pilipinong ng dahil na rin sa kahirapaan ay natutong manggulang at manloko ng kapwa. Sa pangyayareng iyon totoo man o drama lang ang ginawa ng babae para makakuha ng atensyon at malimusan ng kahit kaunting tulong, masasabi ko pa din na wala talagang katulad ang PINOY sa mga tulad nitong pagkakataon, laging handa tumulong saan man mapadpad at tawagin ng pagkakataon at isa ito sa mga dahilan kung bakit proud akong maging PINOY. Madami mang negatibong bagay ang makikita at nangyayare sa araw araw ng pagiging Pinoy natin, hindi pa rin kayang tumbasan ang kabutihan na meron sa puso ng bawat isa. BUTI NA LANG PINOY AKO.. :)